Suspek sa pagpatay sa police intel agent, timbog

COTABATO CITY, Philippines — Naaresto ng mga pulis nitong Sabado ang suspect sa pagpatay sa isang anti-terror police intelligence agent habang nasa loob ng isang kainan sa General Santos City noong Huwebes ng gabi.

Si Jengilo Sotto, na itinuturong siyang bumaril diumano kay Cpl. Razul Alongan, ay natunton ng mga magkasanib na mga operatiba ng Police Regional Office-12 at Ge­neral Santos City Police Office sa Barangay Klinan sa Polomolok, South Cotabato.

Sa salaysay nitong Linggo ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng PRO-12, kusang nagpaaresto si Sotto sa mga pulis na dumating sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Klinan makaraang matunton mula sa tulong ng mga impormanteng nakakakilala sa kanya.

Si Sotto ang sinasabing bumaril kay Alongan sa ulo, gamit ang .45 caliber pistol, habang kumakain ang biktima sa isang restaurant sa Barangay Fatima, General Santos City.

Ayon kay Macaraeg, may indikasyon na si Sotto nga ang bumaril kay Alongan, isang intelligence officer ng Tambler Police Station sa Ge­neral Santos City, dahil sa Polomolok ito nagtago at hindi umuwi sa kanilang lugar sa Alabel, Sarangani matapos maganap ang insidente.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang motibo ng suspect sa pagpaslang kay Alongan na isang Moro at mula sa tribong Maguindanaon.

Show comments