ROMBLON, Philippines (Romblon News Network) — Sampung estudyante na ang nirespondehan ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng San Jose sa Occidental Mindoro mula Marso hanggang April 18.
Ang mga nasabing estudyante ay hinimatay o di kaya ay nakaranas ng pagkahilo habang nasa klase.
Ayon kay MDRRM Officer Gil O. Gendrano, ang mga estudyante ay mula sa mga paaralan ng San Jose National High School, Pedro T. Mendiola Sr. Memorial National High School, Philippine Central Islands College, at Occidental Mindoro State College (OMSC).
Ayon kay Gendrano, ang sobrang init na panahon na sinabayan pa sa problema ng kuryente sa probinsya ang naging dahilan kung bakit nahilo ang mga estudyante.
Batay sa ulat ng Municipal Information Office ng San Jose, sa isang araw ay mas matagal pa ang nararanasan nilang brownout kumpara sa may-ilaw kaya lubha umanong apektado ang mga estudyante ng probinsya.
Ayon sa MDDRMO ng bayan, ligtas na ngayon ang mga estudyante kanilang nirespondehan.
--
Romblon News Network is a regional partner of Philstar.com