Prayer rally vs EDCA sites, inilarga sa Cagayan
Tuguegarao City, Philippines — Libu-libong Cagayanon mula sa hanay ng mga kabataan, simbahan, kababaihan, akademya, sektor ng agrikultura at edukasyon at maging ang lokal na pamahalaan ang nagdaos ng prayer rally sa Rizal Park ng lungsod na ito nitong Lunes ng hapon.
Ito’y bilang pagpapakita ng matinding pagtutol kaugnay ng pagtatayo ng 2 sites ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas sa lalawigan.
Si Cagayan Gov. Manuel Mamba ang pangunahing tumututol sa nasabing hakbangin para sa pagtatayo ng military installation ng American troops sa kanilang lalawigan.
Kabilang sa mga EDCA sites ay ang Naval Base sa Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan at ang Lal-lo Airport, bagay na una nang pinalagan at ikinaalarma ng Beijing dahil malapit ito sa Taiwan.
Una nang nanawagan si Mamba sa kanilang mga constituents na magkaisa para tutulan ang pagtatayo ng 2 EDCA sites sa kanilang lalawigan. Ang 2 EDCA sites sa Cagayan ay kabilang sa apat na karagdagang napagkasunduan ng mga opisyal ng Dept of National Defense, at militar ng Estados Unidos at ng Pilipinas.
“We are asking for a miracle that the President [Ferdinand Marcos Jr] will change his mind about EDCA,” saad naman ni Tuao, Cagayan Mayor William Mamba sa tinatayang 7,000 kataong dumalo sa prayer rally.
Nabatid na nababahala ang mga opisyal ng Cagayan na maipit sa girian ng China at Estados Unidos kaugnay ng hakbangin ng una na bawiin ang pamamahala sa Taiwan.
Sinabi ng mga opisyal ng lalawigan na maraming buhay at ari-arian sa kanilng lalawigan ang maapektuhan kapag nagkataon kapag sumiklab ang giyera ng Estados Unidos at China sa isyu sa Taiwan.
- Latest