Fort Ramon Magsaysay, Nueva Ecija , Philippines — Personal na binisita nina General Charles Flynn, commanding general ng United States Army Pacific (USARPAC) at counterpart nitong si Lt. General Romeo Brawner Jr., commanding general ng Philippine Army ang kasalukuyang isinasagawang pagsasanay sa Balikatan Exercise ngayong taon sa kampong ito.
Natunghayan ng dalawang pinunong militar ang idinaos na live fire exercise ng Javelin Anti-Tank Weapon System (JATWS) sa loob ng malawak na kampo rito, noong Huwebes ng hapon.
Pahayag ni Brawner, ang layunin umano ng Balikatan Exercise ay ang pagpapalakas ng puwersa at pagkakaroon ng kasanayan ng hukbo ng dalawang magkaanib na bansa. Ang Estados Unidos din umano ay matibay na katuwang ng Pilipinas sa capability development programs.
Ang naturang armas (JATWS) anya ay ginagamit na pantapat sa mga tangke at armored vehicle ng mga kalaban na kayang patamaan kahit nasa malayong distansiya.
Ito umano ang sinisikap ng Hukbong Katihan ng Pilipinas na magkaroon sa hinaharap ng ganitong kagamitan na magagamit sa pagpapalakas ng depensa at pagtatanggol sa teritoryo ng bansa.
Binigyan-diin din ni Brawner na ang mga ginagawang halimbawa o senaryo sa mga pagsasanay sa pagitan ng US at Philippine Army ay walang tinatarget na sinumang kalaban bagkus ay paghahanda para sa lahat ng uri ng banta na maaaring dumating sa Pilipinas tulad ng mga kalamidad o pangyayaring gawa ng tao.
Bago nagsimula ang Balikatan Exercise ay nauna nang idinaos ang Salaknib Exercise sa pagitan pa rin ng Armed Forces of the Philippines at US Army nitong Marso, at nakatakda itong matapos sa darating na Mayo.