MANILA, Philippines — Pitong pasyente na ang naitalang nasawi mula nitong Enero hanggang Marso sa Region 1 (Ilocos) dahil sa diarrhea, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), mayroong kabuuang 4,712 acute watery diarrhea cases na naiulat ng iba’t ibang disease reporting units (DRU) sa Region 1 mula Enero 1 hanggang Marso 25, 2023.
Sa naturang bilang, 104.2% na mas mataas ito kumpara sa mga kasong naitala sa kahalintulad na panahon ng nakaraang taon, o nasa 2,307 kaso lamang ang naitala.
Bunsod nito, pinayuhan ng DOH-Ilocos Region ang mga residente sa kanilang lugar na magpakulo ng kanilang inuming tubig, kung walang suplay ng potable water, upang makaiwas sa diarrhea at iba pang water-borne diseases.
Ayon sa DOH, dahil sa napakainit at humid na panahon, tumataas ang mga kaso ng diarrhea na ang kalimitang naaapektuhan ay mga kabataan, ayon kay Regional Director Paula Paz Sydiongco.
Nakatanggap naman ng kanilang anti-diarrhea supplies ang rehiyon para malabanan ang paglaganap pa ng naturang sakit tulad ng 140 garapon ng “effervescent chlorine granules” para pang-disinfect sa tubig, 1,200 kahon ng ciprofloxacin na isang uri ng antibiotic laban sa bacterial infections. 2,016 bote ng zinc syrup for kids, 35,120 sachets ng oral rehydration solution, at 35 kahon ng “crystal VC RDT kits” para sa pagtukoy ng cholera.