Siklista dedo sa bundol ng kotse

MANILA, Philippines — Isang siklista ang patay nang mabangga ng isang kotse habang patawid ng kalsada sa Antipolo City, Rizal kahapon ng madaling araw.

Dead-on-arrival sa Rizal Provincial Hospital ang biktimang nakilala lang na si John Paul Jaurige dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Tinangka namang tumakas ng suspek na si Oscar Caluza, ngunit naaresto rin ng mga motoristang huma­bol sa kanya.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-12:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa M.L.Quezon Extension, kanto ng Maia Alta Road, sa Brgy. Dalig, Antipolo City.

Sa salaysay ng testigong si Jerome Cabural, sakay siya ng kanyang motorsiklo, at binabagtas ang Maia Alta Road, patungong ML Quezon Extension, kasunod ang biktima na sakay naman ng kanyang bisikleta.

Gayunman, habang tumatawid ng ML Quezon Extension ang biktima ay bigla na lang umanong nabangga ng Mitsubishi Mirage na may plakang ABF-4167, na minamaneho ni Caluza, na noon ay bumabagtas naman sa ML Quezon Extension, mula sa Mahabang Parang.

Dahil sa tindi ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Sa halip umanong huminto ay tinangka pa ng suspek na tumakas ngunit hinabol siya at pinigil ng testigo at iba pang motorista sa lugar.

Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.

Show comments