Hagupit ni ‘Amang’ sa Kabikulan: 1 patay, higit P12-milyon nasalanta

Satellite image ng bagyong "Amang" mula sa kalawakan
RAMMB

Legazpi City, Albay , Philippines — Isa ang patay habang umaabot na sa 12,341,646.77 piso ang inisyal na danyos na iniwan ng bagyong si “Amang” sa buong Kabikulan sanhi ng malakas na mga pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.

Sa ulat ng Office of Civil Defense-5 sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot, isang delivery rider na nakilalang si Rommel Carlo Tormenio, 28-anyos, ang nasawi sa Brgy. San Jose-Salay sa Buhi, Camarines Sur, kamakalawa.

Dakong alas-7:20 ng gabi, tinangka umanong tumawid ni Tormenio sa bahang spillway dahilan para tangayin siya kasama ang kanyang motorsiklo ng rumaragasang tubig-baha.

Patay na ang biktima nang matagpuan ng mga rumespondeng search and retrieval team mula sa MDRRMO-Buhi, BFP, PNP, Philippine Coast Guard, Philippine Navy at iba pa. Narekober din ang kanyang motorsiklo at ilang parcel ng Shopee.

Lumalabas naman na ang higit P12-milyon na pinsala ay dahil sa pagkasira ng mga pananim na palay, high value crops at mga alagang hayop.

Sa lalawigan ng Camarines Norte, umabot sa 8,067,944.77 piso ang danyos dahil sa nasirang palay; may P4,147,702 ang halaga ng nasirang mga high value crops sa Camarines Sur; at sa Sorsogon ay nagkaroon ng P126,000 halaga ng danyos sa livestocks and poultry.

Nasa 1,344 bilang ng mga magsasaka ang naapektuhan dahil sa dumaang bagyo na umaasang tutulungan ng gobyerno.

Show comments