Tumubo sa Mt. Banahaw sa Quezon
Dolores, Quezon, Philippines — Muling tumubo at nadiskubre sa Mt. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape sa Brgy. Kinabuhayan ng bayang ito ang isang pambihira at nanganganib na mawalang “Rafflesia” (Rafflesia banahawensis), isa sa mga pinakamalaking bulaklak sa mundo.
Ayon sa DENR Calabarzon, ang bulaklak ay nadiskubre ng mga kawani ng nasabing protected area nang magsagawa sila ng regular na pagpapatrolya at monitoring sa lugar nitong nakalipas na linggo.
Ang Rafflesia Banahawensis ay lumalapad nang hanggang 30 sentimetro.
Kumpara sa ibang species ng nasabing bulaklak, ang Rafflesia Banahawensis ay mas kakaiba ang itsura at mayroong masangsang na amoy, na umaakit sa mga pollinator tulad ng langaw.
Naobserbahan din ng pamunuan ng protected area na mayroong dalawang populasyon ng Rafflesia sa lugar, na tumutubo sa ugat ng host plant nitong Tetrastigma.
Ang Mt. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape ay nagsisilbing tirahan ng iba’t ibang species na nanganganib at endemic o matatagpuan lamang sa Pilipinas.