MANILA, Philippines — Umaabot sa P3.9 bilyon ang halaga na naabo sa 9 na oras na sunog na tumupok sa isang high rise condominium sa Brgy. Casambagan, Cebu City nitong Biyernes.
Sa report ni Bureau of Fire Protection (BFP) Central Visayas (BFP7) Chief P/Supt. Reynaldo Enoc, ang sunog ay nagsimula sa 37th floor ng Grand Residences Tower 4 na matatagpuan sa kahabaan ng M.J. Cuenco Avenue, Brgy. Kasambagan bandang alas-2:40 ng hapon.
Ang ng sunog ay hinihinalang sanhi ng pagwe-welding ng roof deck ng nasabing condominium na mabilis na kumalat sa utility pipes mula sa mataas na bahagi pero patuloy pa itong iniimbestigahan.
Nahirapan naman ang mga bumbero na maapula ang sunog dahil ang kanilang hagdan ay hanggang 18th palapag lamang sa gusali.
Sinabi ni Enoc na ang ikapitong palapag na dapat ay parking, ay ginamit na imbakan ng mga pintura at iba pang mga combustible materials o mga madaling masunog habang ang Tower 4 ng condominium ay kasalukuyang sumasailalim sa konstruksiyon nang mangyari ang sunog.
Sa pagtaya, nasa P3,981,600,000 ang naging pinsala sa nangyaring sunog.