30 baka, pinamigay sa ‘Rodeo Masbateño Festival’
MASBATE CITY, Masbate, Philippines — Ilang residente sa lalawigang ito ang walang mapaglagyan ng kanilang kasiyahan matapos makahuli ng mga baka na libreng ipinamigay ng lokal na pamahalaan sa isinaginawang “Juego de Toro” bilang bahagi at isa sa pinaka-highlights ng selebrasyon sa ika-27 taon ng “Rodeo Masbateño Festival”.
Dakong alas-10 ng umaga nang pakawalan ang unang tatlo sa 30 na baka sa kahabaan ng Zurbito Street malapit sa Pier Site ng Masbate City.
Halos napuno ng mga residente mula sa naturang lungsod at iba’t ibang bayan ng lalawigan ang kahabaan ng kalye at nag-unahang makahuli ng pinakawalang mga baka.
Tumagal lang ng ilang minuto ang paghuli sa mga baka gamit lang ang kamay, lubid at liksi ng mga residente.
Ilan sa mga nakahuli ay ang grupo nina Chito Amor at Jaime Guzman ng Brgy. Bagumbayan, Masbate City na umabot lang ng halos mahigit isang minuto ay naitumba at natalian nila ang isang baka. Sunod naman ang grupo ni Raul Albao na dumayo pa mula sa bayan ng Milagros upang manghuli ng baka. Laking tuwa nila at pasasalamat dahil magkakaroon na umano sila ng sariling baka na aalagaan at pararamihin. Isa naman sa inilatag na kondisyon ng lokal na pamahalaan ng Masbate sa pangunguna ni Gov. Antonio Kho sa lahat ng makakahuli ng baka, na bawal itong katayin at ibenta. Kailangan umano nilang paramihin ang naturang mga hayop para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.
- Latest