Masbate City, Masbate, Philippines — Makalipas ang tatlong taon na natigil dahil sa pandemya, muling masayang binuksan kahapon ng lalawigan ng Masbate ang walong araw na Rodeo Masbateño Festival.
Pinangunahan ang pormal na pagbubukas kahapon ng Rodeo Masbateño Festival ni Gov.Antonio Kho, Department of Tourism Under Secretary Cocoy Jumapao, DOT regional director Herbie Aguas at iba pang kilalang personalidad sa rehiyon.
Ayon kay Gerardo Presado, provincial tourism officer ng Masbate, napakalaking tulong sa buong lalawigan ang muling pagbabalik ng taunang festival para sa pagbangon ng industriya sa turismo at ekonomiya dahil sa dinarayo ang iba’t ibang aktibidad ng mga lokal at dayuhang turista gaya ng juego de toro, toro backriding at “karambola” o ang pagpapakawala ng toro (baka) na huhulihin ng tatlo o apat na katao.
Sinabi naman ni regional director Aguas, ang Rodeo Masbateño Festival ay isa sa tatlong pinakamalalaking aktibidad sa turismo sa buong rehiyon na dinarayo ng mga bisita at turista.
Ang iba pang mga bumubuhay sa turismo ng rehiyon ay ang Peñafrancia Festival sa Naga City, Camarines Sur at Whale Sharks Festival ng Donsol, Sorsogon.