Masayang camping nauwi sa trahedya
MANILA, Philippines — Patay ang limang magkakaibigan habang sugatan ang isa pa nilang kasamahan nang sabay-sabay silang tamaan ng kidlat kasabay ng buhos ng ulan matapos silang mag-camping sa Digos City, Davao del Sur, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Dead-on-the-spot ang mga biktima na kinilalang sina Glendelle Joy Villocino, 17; Valerie Asutilla, 23; John Gabriel Hersania, 15; Geramie Cartagena, 18; at Jonmel Galicia, 19, habang patuloy na ginagamot sa ospital si Clarence Cate Chatto, 21.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Executive Officer Sammy Miralles, bandang alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang maganap ang insidente sa Camp Madigger, Binaton, Digos City, Davao del Sur.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Digos City Police na pauwi na ang mga biktima galing sa camping sa Camp Madigger nang abutan sila ng malakas na buhos ng ulan na may kasamang malakas na kidlat.
Dito nasapol ng kidlat ang naturang grupo na nagresulta ng pagkamatay ng lima sa kanila habang patuloy na inoobserbahan sa ospital ang kasamahang si Chatto.