Tiaong, Quezon, Philippines — Ospital ang kinahantungan ng isang holdaper makaraang barilin ng isang pulis na inagawan niya ng baril kamakalawa sa Maharlika highway, Barangay Talisay sa bayang ito.
Ginagamot ngayon sa Peter Paul Hospital sa Candelaria Hospital dahil sa isang tama ng bala ng caliber 9mm sa binti ang suspek na si Christopher Perez, 25, ng Barangay Masin Sur, Candelaria, Quezon habang tinutugis na ng mga otoridad ang kasama nitong si alyas “Liokay”.
Batay sa imbestigasyon, nagpapatrolya sa bisinidad ng Maharlika Highway sakay ng mobile patrol sina PSMS Shane Sokoken at Cpl. Totilo Andal dakong alas-6:00 ng umaga nang lumapit sa kanila at humingi ng tulong ang biktimang si Riza Ozuna, 46, na hinoldap umano ng dalawang lalaki.
Sa operasyson ng mga awtoridad, mabilis na nasakote si Perez habang sakay ng isang motorsiklo. Gayunman, habang pinoposasan, inagaw umano nito ang service firearm ni Sokoken kung kaya’t binaril na ito ng kasamang pulis sa binti.
Sinamantala naman ng kasamahan ng suspek ang pagkakataon para tumakas.
Nabawi ng mga otoridad buhat sa suspek ang mga kinulimbat nilang pera at cellphone mula sa hinoldap nilang babae.
Bukod sa kasong robbery/hold-up, nahaharap ang naarestong uspek sa paglabag sa BP 6 at RA 9165 dahil nakumpiskahan ito ng dalawang patalim at suspected shabu na nagkakahalaga ng P20,400.