Family outing nauwi sa trahedya
CAVITE, Philippines — Nauwi sa trahedya ang masaya sanang holiday at summer outing ng isang pamilya makaraang bawian ng buhay ang kanilang “munting anghel” nang aksidenteng madulas at bumulusok sa malalim na bahagi ng ilog sa bayan ng Naic, dito sa lalawigan, kamakalawa ng hapon.
Hindi na naisalba pa sa pagamutan ang biktima na nakilalang si Carl JM Dualan, residente ng Brgy., Labac, Naic, Cavite.
Sa ulat ng Naic Police, alas-5:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa Malainen Luma River, Naic kung saan nag-outing ang pamilya ng biktima.
Masaya umanong naliligo ang biktima kasama ang kanyang pamilya nang aksidenteng nadulas ang una at tuluy-tuloy na nahulog sa malalim na bahagi ng ilog.
Agad namang pinagtulungang hanapin ang bata hanggang sa makita at makuha ang katawan nito sa mabatong bahagi ng ilog.