7-anyos ni-rape, pinatay ng ninong

Ang suspek na si John Paul Baluyot nang maaresto dahil sa umano’y panggagahasa at pagpatay sa 7-anyos na inaanak sa Trece Martires City, Cavite nitong Huwebes Santo.
Photo: Trece Martires Police

Cavite, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 7-taong gulang na Grade 1 pupil matapos umanong gahasain at patayin ng mismong ninong nito makaraang sama­hang maligo sa ilog sa lungsod ng Trece Martires, dito sa lalawigan nitong Huwebes Santo.

Hubo’t hubad at tadtad ng mga sugat nang matagpuan ang biktimang kinilala lamang sa pangalang Angel, residente ng Barangay Cabuco, Trece Martirez City.

Samantala, naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya na nakilalang si John Paul Baluyot, 34-anyos, construction worker.

Ayon sa report ni Police Col. Jonathan Asnan, hepe ng pulisya sa lungsod na ito, alas-5:00 ng hapon nang matagpuan ang biktima sa gilid ng ilog na hubo’t hubad, duguan at tadtad ng mga sugat sa katawan

Agad naman itong itinakbo sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago umano ang insidente, nakipag-inuman pa ang suspek sa ama ng biktima umaga pa lamang ng Huwebes Santo.

Pagdating umano ng hapon nagsabi ang biktima sa ama nito na gusto nitong maligo sa ilog kung saan nagprisinta ang suspek na siya na ang sasama sa bata. At dahil sa inaaanak ito ng suspek, pumayag naman ang ama ng biktima.

Matapos ang ilang oras ay natagpuan na ang walang buhay na biktima habang nakasalampak sa gilid ng ilog.

Sa ikinasang operas­yon ng pulisya sa tulong ng mga CCTV footages at concerned citizens, natukoy ang kinaroroonan ng suspek na kanyang ikinaaresto sa isang cons­truction site sa Dasmariñas City.

Base sa background investigation ng mga awtoridad sa suspek, luma­labas na dati na siyang nakulong sa kasong pag­labag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act noong 2021.

Show comments