7-anyos ni-rape, pinatay ng ninong
Cavite, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang 7-taong gulang na Grade 1 pupil matapos umanong gahasain at patayin ng mismong ninong nito makaraang samahang maligo sa ilog sa lungsod ng Trece Martires, dito sa lalawigan nitong Huwebes Santo.
Hubo’t hubad at tadtad ng mga sugat nang matagpuan ang biktimang kinilala lamang sa pangalang Angel, residente ng Barangay Cabuco, Trece Martirez City.
Samantala, naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya na nakilalang si John Paul Baluyot, 34-anyos, construction worker.
Ayon sa report ni Police Col. Jonathan Asnan, hepe ng pulisya sa lungsod na ito, alas-5:00 ng hapon nang matagpuan ang biktima sa gilid ng ilog na hubo’t hubad, duguan at tadtad ng mga sugat sa katawan
Agad naman itong itinakbo sa General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago umano ang insidente, nakipag-inuman pa ang suspek sa ama ng biktima umaga pa lamang ng Huwebes Santo.
Pagdating umano ng hapon nagsabi ang biktima sa ama nito na gusto nitong maligo sa ilog kung saan nagprisinta ang suspek na siya na ang sasama sa bata. At dahil sa inaaanak ito ng suspek, pumayag naman ang ama ng biktima.
Matapos ang ilang oras ay natagpuan na ang walang buhay na biktima habang nakasalampak sa gilid ng ilog.
Sa ikinasang operasyon ng pulisya sa tulong ng mga CCTV footages at concerned citizens, natukoy ang kinaroroonan ng suspek na kanyang ikinaaresto sa isang construction site sa Dasmariñas City.
Base sa background investigation ng mga awtoridad sa suspek, lumalabas na dati na siyang nakulong sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act noong 2021.
- Latest