Outing ng Black Saturday nauwi sa trahedya
MANILA, Philippines — Nauwi sa masaklap na trahedya ang masaya sanang family beach outing ng mga menor de-edad na magkakamag-anak matapos na sabay-sabay na malunod ang lima sa kanila habang isa pa ang patuloy na nawawala nang lamunin ng dagat sa Brgy. Dolo, San Jose, Camarines Sur kahapon ng umaga.
Isa-isang natagpuan sa ilalim ng dagat ng mga residente, mga pulis, coast guards at BFP-rescue team at walang malay na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan pero ideneklarang dead-on-arrival ang mga biktima na kinilalang sina Rizza Hermosa, 17-anyos; Jhona Hermosa, 17-anyos; Rhea Pino, 18-anyos; lahat residente ng Brgy. Catagbacan, Goa, Camarines Sur; Rafael Pino, 18-anyos; at Regine Pino, 16-anyos, kapwa ng Naga City.
Hanggang kahapon ng hapon ay patuloy namang hinahanap ang nawawalang si Ashley Rose Hermosa, 16-anyos, habang maswerteng nasagip sa pagkalunod ang 12-anyos na si Jean Rose Pino.
Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-9:30 ng umaga ay nakita pang masaya at magkakasamang nagsu-swimming ang magkakaanak malapit sa dalampasigan. Gayunman, ilang sandali ay nadiskubre ng kanilang tiyuin na si Gilbert Cea na nalunod na ang mga pamangkin.
Mabilis na humingi ng saklolo ang mga kaanak sa iba pang tao sa paligid at nailigtas si Jean Rose habang rumesponde naman agad ang mga pulis, BFP-rescue team at Philippine Coastguard at isa isang nahanap at naiahon ang limang biktima na pare-parehong wala nang buhay habang nawawala pa ang batang si Ashley Rose.
Pinaniniwalaang tinangay ang mga biktima ng malakas na agos ng tubig at saka sila sa hingop pailalim ng dagat dahilan para lahat sila ay malunod. — Joy Cantos