Naga City, Camarines Sur, Philippines — Patay habang nakalambitin pa sa mga kable ng kuryente ang isang lalaki nang abutan ng mga pulis at kasapi ng rescue team matapos makuryente sa kahabaan ng Panganiban Drive, Zone 1, Brgy. Dinaga, Naga City, Camarines Sur noong Biyernes Santo.
Kinilala ang biktima na si Jose Arilante Pagal, 47-anyos, may-asawa, barber, residente ng Zone 2, Brgy. Lerma ng naturang lunsod.
Sa ulat, dakong alas-7 ng umaga nagulat ang mga residente at motorista nang makita ang biktima na nakasuot ng sunglass, itim na sombreso, puting sapatos, pink na t-shirt at naka-reflective vest pa na parang sa traffic aide at walang-malay na nakasabit sa mga kable ng kuryente ng feeder line ll ng Casureco-ll sa kahabaan ng naturang kalye.
Agad rumesponde ang mga pulis at rescue team ng Bureau of Fire-Naga City na nahirapan pang maibaba ang biktima at sinubukan pa siyang isugod sa Bicol Medical Center pero idineklarang dead-on-arrival.
Pinaniniwalaang disgrasyang nakuryente ito makaraang mahawakan ang kable na may malakas na boltahe ng kuryente.
Patuloy na iniimbestigahan kung bakit napunta ang biktima sa itaas at nasa kalagitnaan mismo ng mga kable.