MANILA, Philippines — Dinagsa ng may 5,000 residente ng Davao del Norte ang ginanap na Solidarity Rally sa Tagum City kahapon, April 4, upang igiit sa Kamara de Representantes na aksyunan ang tatlong panukalang batas na nakabimbin dito upang matapos na ang umano’y palpak na serbisyo sa kuryente ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO).
Binigyang-diin ni Davao del Norte Board Member Nickel Suaybaguio na panahon na upang aksyunan ng Kamara ang House Bill Numbers 5077, 6740 at 7047 na siyang solusyon upang maiahon ang mga taga-lalawigan sa kalbaryo ng tatlo hanggang limang beses na brownout kada araw na hindi kayang solusyunan ng NORDECO.
Sa gitna ng malawakang rally na nilahukan ng mga opsiyal ng pamahalaang lokal, negosyante at konsyumer, muling iginiit ng mga daumalo na wala nang solusyon kundi ang pagsaklolo sa kanila ng Kongreso sa pamamagitan ng terminasyon sa serbisyo ng NORDECO lalo na at kapakanan ng higit na nakararami ang napeperwisyo.
Kasabay nito, tinukoy din ni Suaybaguio na hindi kayang tapatan ng episyanteng serbisyo ang mataas na singil sa koryente,
Samantala, sinabi naman ni Ryan Amper, co-convenor ng Davao Consumer Movement (DCM), na ang muling pagdagsa ng ralyista sa Tagum City ay sumasalamin sa lumalawak na pagkadismaya ng taumbayan sa serbisyo ng NORDECO.
"Ang common [na problema], lagi lagi ang brownout, lagi lagi na blackout, hindi lang sa buong Tagum, kung hindi sa buong Davao del Norte, including Samal," pahayag ni Amper.
Idinagdag pa ni Amper na mas mataas ng halos P7 ang singil ng NORDECO kumpara sa umiiral na singil sa koryente ng ibang kompanya ng koryente sa karatig lalawigan.
Lumahok din sa rally si dating Tagum City vice mayor Atty. Eva Lorraine Estabillo upang makiisa sa panawagang madaliin ng Kongreso ang pagpasa ng mga panukalang batas na tatapos sa kanilang dinaranas na kalbaryo.
Matatandaan na kamakailan lamang ay dinagsa rin ang kilos-protesta na ginanap sa Samal, gayudin ang rally na pinangunahan ng Tagum Chamber of Commerce and Industry, kung saan nanawagan ang mga lokal na opisyales, kabilang na si Gov. Edwin Jubahib kontra NORDECO sapagkat direktang apektado na ang kabuhayan, trabaho at turismo sa kanilang probinsya.