Dahil sa military ops vs NPA
MANILA, Philippines — Pansamantalang isinara sa mga turista ang Wawa Dam sa lalawigan ng Rizal.
Bunsod na rin ito nang isinasagawang operasyon ng tropa ng militar laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Sa abiso nitong Linggo, sinabi ng Montalban local government na sarado muna sa mga turista, until further notice, ang mga barangay ng Puray, Mascap, at Macabud.
Kabilang din sa mga isinarang lugar ang Sitio Wawa sa Brgy. San Rafael.
Ang pagsasara ay kasunod ng naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebelde sa naturang lugar noong Biyernes.
Batay sa ulat ng Montalban Municipal Police, isang sundalo ang nasugatan sa insidente. Hindi pa naman tukoy ang bilang ng mga nasugatang rebelde dahil sa naturang sagupaan.
Patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo upang maaresto ang mga rebelde roon.