MANILA, Philippines — Pormal nang sinampahan ng pulisya ng kasong kriminal ang suspek sa pagpatay sa 24-anyos na graduating computer science student ng De La Salle University-Dasmarinas sa Dasmariñas City, Cavite.
Ayon kay Col. Christopher Olazo, Cavite police director, ang inquest proceedings ay isinagawa sa Dasmariñas Custodial Facility nitong Sabado ng gabi at pinangasiwaan ni Asst. City Prosecutor Antoinette Reyes ng Dasmariñas Prosecutor’s Office, laban sa suspect na si Angelito Erlano alias “Kulet”, 39-anyos, ng Brgy. San Nicolas 2, Dasmariñas City.
Ayon kay Olazo, kasong “robbery with homicide” at “direct assault upon an agent of person in authority” ang inihain ng nabuong task group laban kay Erlano na naaresto sa bahay ng kanyang kaibigan sa Brgy. Victoria Reyes, Dasmariñas City, noong Biyernes ng umaga.
Ang inquest ay sinaksihan nina Vincent Monserrat, Atty. Nathan Torres, Public Attorney Office (PAO); Master Sergeant George Fajardo, mga arresting officers at iba pa.
Si Erlano ay nasukol ng mga tauhan ni Olazo matapos siyang matukoy na responsible sa brutal na pagpatay at pagnanakaw sa biktimang si Queen Leanne Daguinsin noong Martes. Sinubukan pa umanong manlaban ng suspek sa mga awtoridad habang siya ay inaaresto.
Sinabi ni Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Calabarzon police director, na ang kaso ng brutal na pagpatay kay Daguinsin ay makokonsiderang “solved” o lutas na matapos maaresto ang may kagagawan nito at masampahan ng kaukulang kaso.
Ang suspek ay nagpahayag na hindi niya planong patayin ang biktima at nagsisisi na umano siya sa kanyang ginawa, na masasabing pag-amin nito sa krimen.