Umawat na pinsan, kritikal
COTABATO CITY, Philippines — Napatay sa saksak ng isang mister ang sinasabing boyfriend ng kanyang dating misis dahil sa posibleng pagseselos noong Sabado ng gabi sa Zamboanga City.
Ayon sa ulat ng Zamboanga City Police Office, idineklarang dead-on-arrival (DOA) sa Brent Hospital ang biktima na kinilalang si Darwis Akmad Sakilan dahil sa mga tinamong mga saksak sa katawan habang nasa malubhang kalagayan ang pinsan nito na si Wilham Lakbaw Kadjum.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi, habang magkakasama sina Sakilan, nobya nitong si Dewie Aquino Supaman, at pinsang si Kadjum na palabas mula sa kanilang pinapasukang Universal Sardines Canning Company sa Brgy. Ayala ng nasabing lungsod nang biglang dumating ang suspek na si Shedimar Kahal Ahalul, dati umanong mister ni Supaman.
Biglang inundayan ng saksak ni Ahalul gamit ang isang maliit na patalim ang kanyang karibal na si Sakilan na duguang humandusay. Dito, tinangka namang tulungan ni Kadjum ang pinsang si Sakilan subalit maging siya ay pinagsasaksak ng suspek.
Matapos ang pananaksak, mabilis na tumakas ang suspek sa madilim na bahagi ng Zone 5, Brgy. Ayala ng nasabing lungsod.
Kapwa isinugod sa pagamutan ang mga biktima na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan subalit idineklarang DOA si Sakilan ng sumuring doktor.
Ayon sa lumabas na ulat, bagama’t hiwalay na si Ahalul at Suparman, sinusuyo pa rin niya ito diumano na magkaayos at magkabalikan silang dalawa.
Nagtutulungan na ang mga opisyal ng Brgy. Ayala at Zamboanga Police sa paghahanap sa tumakas na suspek.