MANILA, Philippines — Isang arm cache o imbakan ng mga armas ang nadiskubre ng mga otoridad sa isang sitio sa Rodriguez, Rizal kamakalawa.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police, dakong alas-5:00 ng madaling araw nang madiskubre ang arm cache sa Sitio Quinao, Brgy. Puray, Rodriguez, ng nasabing lalawigan.
Nagsasagawa ng major combat operation na “Oplan Gold Mine” ang mga tauhan ng ISO Core Platoon, RMFB4A sa pangunguna ni PLt. Wendel Dave Pinongan at PLt. Jenmark Velasco nang madiskubre nila ang imbakan ng mga war materials sa pakikipagtulungan ng mga sumukong miyembro ng communist terrorist group (CTG).
Nang halughugin ang lugar, nakarekober pa ang mga otoridad ng iba’t ibang materyales na gamit pandigma kabilang ang apat na improvised explosive devices (IEDs); isang AK47; tatlong magazines para sa AK47; isang mortar ammunition; 40 piraso ng 7.62 ammunition; 33 piraso ng 5.56 ammunition; pitong yarda ng detonator cord; dalawang firing wire na may tig-50 metro ang haba; apat na non-electric blasting cap; isang posas at iba’t ibang uri ng mga gamot at medical paraphernalia.
Kaagad na kinumpiska ng mga otoridad ang mga narekober na armas para sa kaukulang pag-iimbestiga at safekeeping ng mga ito.