COTABATO CITY, Philippines — Isang residente ng Zamboanga City ang namatay habang anim ang nakaligtas matapos na lumubog ang sinasakyan nilang bangka sa karagatang sakop ng Sacol Island sa Zamboanga City noong Sabado ng tanghali.
Ayon sa Zamboanga City Police Office, ang biktima, si Rodel Napalcruz, at mga kasama ay patungo sana sa Brgy. Pasilmanta sa Sacol Island nang pasukin ng tubig dagat ang kanilang pumpboat dahil sa paglaki ng mga alon dulot ng biglaang paglakas ng hangin.
Nahiwalay si Napalcruz sa mga kasamang kumapit sa bangkang napuno ng tubig dagat kaya ito nalunod at tuluyang nasawi.
Kinumpirma sa pulisya ni Nasser Absarani, kapitan ng Bgry. Pasilmanta, ang insidente na nagresulta sa pagkakalunod ni Napalcruz.
Ayon sa pulisya, nakaligtas sa insidente ang mga kasama ni Napalcruz sa bangka na sina Ron Lloyd Sabado, Oscar Bautista Hampag, Justine Jay Bucoy Sanchez, Myrna Dapii, ang pumpboat operator na si Lengkeng Andaw at ang 6-taong gulang na anak nitong si Sonny Boy.