Suspek sa pagpatay sa La Salle student, timbog!

Dahil sa patuloy na follow-operations ng Dasmariñas City Police, simula nang mangyari ang pagpatay sa biktimang si Queen Leanne Daguinsin, 24-anyos, computer science student ng DLSU, tubong Pila, Laguna, ay nadakip na ang panguna­hing suspek sa karumal-dumal na krimen na si Angelito Lacerna Erlano alias “Kuelt”, 39-an­yos, residente ng Brgy. San Nicolas 2, Dasmariñas City.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Naaresto na ang suspek sa brutal na pagpatay at pagnanakaw sa dalagang graduating student ng De La Salle University sa Dasmariñas City, Cavite kahapon ng umaga.

Dahil sa patuloy na follow-operations ng Dasmariñas City Police, simula nang mangyari ang pagpatay sa biktimang si Queen Leanne Daguinsin, 24-anyos, computer science student ng DLSU, tubong Pila, Laguna, ay nadakip na ang panguna­hing suspek sa karumal-dumal na krimen na si Angelito Lacerna Erlano alias “Kuelt”, 39-an­yos, residente ng Brgy. San Nicolas 2, Dasmariñas City.

Matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na namataan ang suspek sa bahay ng kaibigan nito sa Purok 4, Brgy. Victoria Reyes, Dasmariñas City, may tatlong barangay ang pagitan mula sa San Nicolas 2, kung saan naganap ang insidente, kaya agad na nagtungo ang mga pulis sa nasabing lugar at dito nakorner ang suspek.

Ayon kay Col. Christopher Olazo, Cavite police director, alas-10:45 ng umaga nang tuluyang masakote ang suspek ng Dasmariñas Police sa pangunguna ni Major Alex Casio, deputy chief of police kasama ang mga operatiba ng Cavite Provincial Intelligence (S2) sa nasabing lugar.

“We received an information from confidential informant that the suspect was hiding at the said barangay, We have immediately dispatched a team to conduct an operation, which resulted to his arrest,” ani Olazo.

Ang suspek ay nagtangka pa umanong manlaban gamit ang screw driver sa mga arresting officers nang siya ay makorner.

Ayon naman kay Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, na may mga dati nang kaso ng pagnanakaw, ay mahaharap sa kasong robbery with homicide sa Dasmariñas Prosecutor’s Office dahil sa pagpatay sa DLSU student.

Ayon sa suspek, wala siyang planong patayin ang biktima at tanging pagnanakaw lamang ang kanyang layunin sa pagpasok nito sa dormitoryo nito.

Nasa 14 na saksak ang tinamo ng biktima mula sa suspek bago tina­ngay ng huli ang mga pera, alahas, cellphone at mahahalagang gamit ng nasabing estudyante.

Sinabi ng suspek na gawa lamang ng matin­ding takot kaya niya napatay ang biktima at nagsisisi na raw siya sa kanyang nagawa.

Show comments