MANILA, Philippines — Hindi na mapapakinabangan ng isang ginang ang kanyang napanalunan sa Small Town Lottery (STL) matapos pagbabarilin at mapatay kasama ang kanyang anak ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Talisay City, Negros Occidental.
Dead on the spot sina Shirley Española, 50 at anak na si Jason, 28 habang sugatan naman ang anak ni Jason na 7-anyos pawang residente ng Hda. Ledesma, Brgy. Matab-ang, Talisay City, Negros Occidental.
Batay sa report ng Talisay City Police Station, naganap ang krimen nitong Martes, ilang metro ang layo sa tahanan ng mag-ina sa nasabing lugar.
Sa salaysay ng misis ni Jason na si Victoria Española, nanalo ang kanyang biyenan ng P3,000 sa STL kaya nagpasama ito sa anak sa palengke.
Habang naglalakad, sumulpot ang hindi pa kilalang suspek at pinagbabaril ang mag-ina na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agarang kamatayan ng mga ito.
Nagtamo naman ng sugat sa katawan ang bata kaya agad itong isinugod sa ospital para lapatan ng lunas.
Sa pagresponde ng mga otoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nakapulot sila ng mga basyo ng kalibre .45 at isang bala na hinihinalang ginamit sa krimen.
Inaalam naman ng pulisya kung may kinalaman ang pamamaslang sa kasong child abuse na isinampa kay Jason na sandaling nakakulong, subalit nakalaya rin.