Oriental Mindoro isinailalim sa state of calamity
MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Oriental Mindoro matapos ang insidente ng oil spill.
Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor, pinahahanda na niya sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang rekomendasyon para sa deklarasyon ng state of calamity.
“Kagabi po,dahil sa pinakahuling report na natanggap ko, mula sa (Department of Health) tsaka sa (Department of Environment and Natural Resources), nag-utos na rin po ako sa (Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office) kagabi na ihanda ang rekomendasyon para sa deklarasyon ng state of calamity for the entire province, hindi lamang po para sa area na naunang naapektuhan ng oil spill,” ani Dolor.
Sinabi ni Dolor na malaking bahagi ng lalawigan ang apektado ng oil spill bunsod ng paglubog ng oil tanker na MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Libong mangingisda at pamilya ang naapektuhan at inayudahan ng pamahalaan sa ilalim ng cash-for-work program.
Natunton ng Japanese remotely operated vehicle (ROV) ang barko at nakitaan ng mga butas na tatakpan ng mga bag.
“Meron pong 23 na leaking areas doon sa MT Princess Empress. Para po temporary matakpan ito, lalagyan ng bag, parang ipapasok yung leak sa loob ng bag, isi-seal po. Para yung oil, hindi po humalo sa tubig,” dagdag pa ni Dolor.
- Latest