P1.2 milyong reward, alok vs killers
MANILA, Philippines — Patay ang chief of police ng San Miguel, Bulacan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem nang magresponde ang pulisya sa nagaganap na nakawan sa nasabing bayan, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Police Lieutenant Colonel Marlon Serna na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo.
Ayon kay Bulacan Provincial Police Office director PCol. Renie Arnedo, nangyari ang insidente dakong alas-9 ng gabi matapos na makatanggap ng report ang San Miguel Police na may nagaganap na nakawan sa Brgy. San Juan, San Ildefonso, Bulacan.
Dahil sa tawag ng tungkulin, agad na nagresponde ang mga pulis kabilang si Serna na mismong hepe at naabutan nila sa lugar ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo sa Buhol na Mangga.
Sa halip na sumuko, pinagbabaril ng mga suspek ang mga pulis na nagresulta sa pagkakabaril kay Serna na nasapol ng bala sa ulo.
Nabatid na isang 17 anyos na lalaki rin ang nadamay at sugatan sa pamamaril.
Matapos ito, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksiyon.
Inutos na ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang follow-up operations upang madakip ang mga suspek at mapanagot sa krimen.
Dito agad nagkasa ng manhunt operation at naglagay ng checkpoint sa boundary ng lalawigan si Col. Arnedo.
Kaugnay nito, nag-alok na ng P1.2 milyong pabuya ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Bulacan government sa sinumang makapagtuturo sa mga killers ni Serna.
Ayon kay PNP Police Regional Office 3 director Police Brigadier General Jose Hidalgo Jr., ang P300,000 ay mula sa kanilang tanggapan; P500,000 mula sa tanggapan ni Interior Sec. Benjamin Abalos Jr., P200,000 sa PNP at karagdagang P200,000 mula naman kay Bulacan Governor Daniel Fernando. - Omar Padilla at Mer Layson