MANILA, Philippines — Labimpitong opisyal at miyembro ng Cavite Samaritans Eagles Club ang sinampahan ng kasong paglabag sa Anti Hazing Law dahil sa pagkamatay ng isang 47-anyos na lalaki na unang na-comatose nang sumailalim sa initiation rites ng kanilang grupo sa Imus City, Cavite, kamakailan.
Kasong paglabag sa RA 11053 (An act prohibiting Hazing and Regulating Other Forms of Initiation Rites of Fraternities, Sororities, and Other Organization, and Providing Penalties for Violation Thereat” ang isinampa sa Office of the City Prosecutor’s Office ng Imus City noong Huwebes, Marso 23 ng mga magulang ng biktimang si Glen Albert Aguinaldo Binoya, na humihingi ng hustisya sa pagkamatay nito matapos ang ilang buwan nilang pananahimik.
Kinondena ni Cavite Provincial Police Office director Col. Christopher Olazo ang pangyayari matapos mapanood ang video ng initiation rites ng biktima na naiposte sa Facebook.
Ipinag-utos na ni Olzao sa hepe ng Imus City Police Station na magsagawa ng malalimang imbestigasyon, parusahan at ikulong ang mga responsable sa krimen, at makipagtulungan sa pamilya ng biktima.
Lumalabas na Enero 8, 2023 nang magsagawa ng initiation rites ang grupong Cavite Samaritans Eagles Club sa Southdale International School sa NIA Road, Imus City. Bahagi ng pagiging miyembro ang pagsailalim ng isang aplikante sa initiation rites kabilang ang calisthenics o physical activities sa gitna ng sikat ng araw.
Sinasabing humingi umano ng tubig ang biktima habang nakakaramdam ng matinding sakit ng ulo na nagresulta ng “lock-bite bleeding” at pagdurugo ng bunganga nito.
Isinugod ang biktima sa Ospital ng Imus kung saan na-diagnosed na Acute Intraparenchymal hemorrhage, pons with extensions and minimal surrounding perilesional edema ang kanyang ikinasawi.
Inilipat ang biktima sa Imus Doctors Hospital noong Marso 9, 2023 kung saan namatay at ang sanhi ng kanyang kamatayan ay cerebrovascular accident; at pontine hemorrhages.