Higit 100 estudyante nahilo, hinimatay sa fire drill
Dahil sa matinding init..
MANILA, Philippines — Mahigit 100 estudyante ang isinugod sa ospital ospital makaraang mahilo at himatayin habang nagsasagawa ng surprise fire drill sa isang paaralan sa Cabuyao City, Laguna kamakalawa.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRMO) chief Sabi “Bobby” Abinal Jr., nahimatay ang mga estudyante dahil sa uhaw at gutom.
Sinabi ni Abinal na nagsagawa ang Gulod National High School (GNHS)-Mamatid Extension ng fire drill, alinsunod sa Department of Education Order No. 53 s. 2022 o Mandatory Unannounced Earthquake and Fire Drills in Schools.
Hindi aniya nakipag-ugnayan ang paaralan sa city government, CDRRMO, at sa Bureau of Fire Protection (BFP) hinggil sa nasabing aktibidad.
Napag-alamang halos 3,000 estudyante ang nagtipun-tipon dakong alas-12:30 ng hapon sa fire drill na nag-umpisa bandang alas-2 ng hapon, base kay Abinal.
Inatasan umano ang mga estudyante na magtungo sa open evacuation area at sa ilang mga silid-aralan kung saan ang heat index sa lungsod ay halos 39-42 degrees Celsius mula ala-1 hanggang alas-3 ng hapon.
Sa kasagsagan ng frie drill, isa-isa nang hinimatay ang nasa 120 estudyante na nabilad sa init ng araw sa open evacuation area habang karamihan ay nag-collapse sa loob ng classrooms kaya isinugod sa mga ospital sa Cabuyao.
Lumalabas na walang mga safety officers at medics sa naturang fire drill at tanging mga estudyante lamang mula sa Boy Scouts at Girl Scouts of the Philippines ang nagsilbing marshals.
Ang ilang estudyante ay nananatili sa mga ospital habang nakauwi na ang iba.
Ayon naman kay Lt. Col. Jack Angog, Cabuyao City police chief, nagpasya ang school management partikular ang principal at supervisor na magdeklara ng pansamantalang suspensyon ng klase sa GNHS dahil sa insidente mula sa rekomendasyon ng mga barangay officials.
Kasabay nito, sinuspinde rin ni Cabuyao, Laguna Mayor Dennis Hain ang lahat ng school fire drills sa naturang bayan bunsod ng insidente sa GNHS.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa insidente, gayunman, sinabi ni Angog na wala pa silang nakikitang pagkakamali o pagkukulang sa parte ng paaralan.
- Latest