MANILA, Philippines — Limang lalaki na pinaghihinalaang magnanakaw ang naaresto matapos ipuslit ang isang generator set ng isang telecom company sa bayan ng Agoncillo, Batangas nitong Martes ng umaga.
Kinilala ni Batangas Police Director Colonel Pedro Soliba ang mga suspek na sina Wilfred Labapis, 30, Robert Biñan, 54; Albert Aquilino, 51, Edwardo Rosales, 48 at Rafael Gonzaga, 46, pawang mga residente ng Tondo, Manila.
Batay sa report, naganap ang pagnanakaw sa generator set ng Globe Telecom sa Brgy. Bugagan, alas-4:00 ng madaling araw gamit ang isang boom truck.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang ninakaw na genset, isang boom truck, heavy-duty wrench pipe, kadena at sledge hammer.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Agoncillo police station at nakatakdang sampahan ng kasong kriminal.