Batangas, Philippines —Inaresto ng mga tauhan ng Calaca Municipal Police Station ang walong katao na sangkot sa pangangalakal ng mga pilfered petroleum products sa Barangay Salong, Calaca City nitong Lunes ng umaga.
Ayon kay Batangas Police Provincial Office director Colonel Pedro Soliba, ang mga nadakip na suspek ay kinilala sa mga alyas na Emerson, 40; Jose, 53; Alejandro, 48; Sherwin, 50; Rafael, 28; Joselito, 44; Herbert, 41, at Dennis, 48.
Narekober mula sa operasyon, bandang ala-1:30 ng madaling araw ang tatlong petroleum tanker, walong container, isang improvised hose, isang improvised funnel, cable tie seal, isang tank assembly na naglalaman ng nasa 12,500 litro ng methanol at P53,000.00 cash money.
Nakuha naman mula kay alyas Emerson ang isang kalibre 45 pistol, magazine at mga bala.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1865 o “Oil Pilferage Law” habang si Emerson ay may karagdagang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act”.