BALANGA CITY, Philippines — Makakaranas ng mahabang brownout sa tatlong lugar sa Morong, Bataan makaraang mag-anunsiyo ng 12 oras na pagkawala ng supply ng kuryente ngayong Miyerkules. (Marso 22) ang Electric Utility Provider ng lalawigang ito.
Sa inilabas na anunsyo ng pamunuan ng Peninsula Electric Cooperative, Inc. (Penelco), magsisimula ang mahabang kawalan ng supply ng kuryente mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Ang mga apektadong lugar ay ang kinaroroonan ng BTPI, Anvaya Cove at Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Ayon sa Penelco, magkakaroon ng annual preventive maintenance sa kanilang Morong 10MVA at Sabang 5MVA sub station, pagpapalit ng sirang poste sa lugar ng Morong 69KV at ang pagsasagawa ng right of way clearing operations.