BASUD, Camarines Norte, Philippines — Kapwa nagkalasug-lasog ang katawan ng driver ng tricycle at motorsiklo habang malubhang nasugatan ang kanilang angkas at mga sakay matapos malakas na magbanggaan sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Purok-Yakal Brgy. Poblacion-2, Basud, Camarines Norte kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Erwin Ibasco Tortogo, 27-anyos, driver ng Honda motorcycle at residente ng naturang barangay, at ang driver ng tricycle (body number 2663) na si Earl Coreses Abina, 19-anyos, residente ng Purok-4, Brgy. Bagasbas, Daet, Camarines Norte.
Patuloy namang nilalapatan nang lunas sa Camarines Norte Provincial Hospital sa mga tinamong sugat ang angkas ng motorsiklo na kinilala lamang na Francis at mga sakay ng tricycle na sina Ernie at Malou.
Sa ulat, dakong alas-9:50 ng gabi ay magkasalubong na binabagtas ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng highway nang subukan ng motorsiklo na minamaneho ni Tortogo na mag-overtake sa dalawang sinusundang motorsiklo pero malakas na sumalpok ito sa kasalubong na tricycle.
Sa lakas ng pagkakabangga, parehong nawasak ang motorsiklo at tricycle.
Isinugod naman ng rumespondeng ambulansya ng LGU-Basud sa pagamutan ang limang biktima pero ideneklarang patay ang dalawang driver.