MANILA, Philippines — Natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo ang manager ng isang prominenteng banana plantation sa kahabaan ng Diversion Road, Brgy. Casisang, Malaybalay City, Bukidnon nitong Sabado ng umaga.
Sa report ni Bukidnon Police Provincial Director P/Col. Reynante Reyes, kinilala ang biktimang si Roger Bergas Balista, 46-anyos, may-asawa, manager ng Dole North Skyland ng Bukidnon Cluster at residente ng Tagum City, Davao Del Norte.
Bandang alas-5 ng umaga, ayon sa opisyal ng madiskubre ng isang concerned citizen ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa kahabaan ng Diversion Road, Brgy. Casisang ng lungsod.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba ng pulisya at doon nila natagpuan si Balista na patay na sa unahan ng kanyang sasakyang Toyota Hilux na may plakang NAX 3296.
Sa isiginawang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may isang tama ng bala sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang biktima at isang 9mm na baril naman ang nakuha sa kanang kamay nito na tinatakpan ng panyo.
Ang nasabing baril ay mayroong isang fired cartridge at apat na bala pa sa loob nito. Wala ring natagpuang basyong bala ang pulisya sa lugar ng insidente pero makikita ang naiwang bakas ng gulong o skid mark na posibleng sanhi ng malakas na pagpreno ng sasakyan.
Sa pagsisiyasat sa sasakyan at sa bangkay, walang nawalang personal na gamit sa biktima.
Bago ang insidente, sinabi ng mga kasamahan ng biktima na dakong alas-4:41 ng madaling araw nang mag-isang umalis ang biktima sa kanilang staff house sa P-1 Kalasungay, Malaybalay City upang magtungo sana sa processing plant sa Sitio Gabunan, Casisang ng nabatid na lungsod lulan ng kanyang behikulo.