6 labi sa Cessna plane crash, na-retrieve na
MANILA, Philippines — Nakuha at naibaba na kahapon sa Divilacan proper ang mga labi ng anim na pasahero ng Cessna plane na bumagsak sa Brgy. Ditarum, Divilacan, Isabela.
Bandang alas-12:54 ng tanghali kahapon nang tagumpay at maayos naibaba ng 1st team ng Philippine Air Force ang mga labi ng mga biktima.
Ayon kay IMT Commander Atty. Constante Foronda Jr., ang second team na ang magbibiyahe sa mga labi patungong Cauayan City Airport gamit ang air assets ng PAF.
Posibleng maibibiyahe na ang mga labi, papuntang Cauayan City Airport kapag tuluy-tuloy na maganda ang panahon.
Matandaan na Huwebes ng hapon nang tunguhin ng retrieval team ang crash site para sa tuluyang pagbababa sa mga labi.
Bagama’t wala nang buhay nang marekober ang anim na sakay ng eroplano ay nagpapasalamat pa rin ang mga kaanak nila sa IMT lalo sa mga nagsagawa ng search and retrieval operation.
Samantala, nakatakdang magbigay ng tulong pinansyal si Isabela Gov. Rodito Albano III sa mga naulila ng anim na biktima na labis na nakidalamhati sa mga ito.
- Latest