COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang babae matapos pagsasaksakin ng basag na bote ng alak ng kanyang nobyo na umano’y “drug dependent” o adik sa ipinagbabawal na droga sa Don Carlos, Bukidnon nitong sabado.
Sa inisyal na ulat ng Bukidnon Provincial Police Office, kinilala ang nasawing biktima na si Kimberly Achas, 22-anyos, na nagtamo ng maraming saksak sa katawan mula sa basag na bote at idineklarang dead-on-arrival sa ospital matapos isugod ng mga pulis at barangay tanod roon.
Nagawa naman ng mga barangay officials na maaresto agad at maipasa sa mga rumespondeng pulis ang suspek na kinilalang si Elson Jamisula, 27-anyos, live- in partner ng biktima, na nakakulong na sa detention facility ng Don Carlos Municipal Police Station.
Nabatid na unang nakarinig ang mga kapitbahay ng malakas na mga sigaw mula sa bahay ng biktima at suspek sa Poblacion Sur, Don Carlos at nang kanilang tingnan ay nakitang patuloy na sinasaksak ng suspek ng basag na bote ng alak ang kanyang kinakasama.
Sinabi ng mga kaibigan ni Jamisula at mga imbestigador ng Don Carlos Police Station na ang nakapiit na suspek ay lasenggero at kapag nasa impluwensya ng alak ay gumagamit din umano ng shabu.
Sasampahan ng mga kaanak ng biktima ang suspek ng kasong pagpatay.