Sunog sumiklab sa Baguio market: 1,700 stalls naabo
BAGUIO CITY, Philippines — Tinatayang nasa 1,700 stalls o tindahan ang nilamon ng apoy matapos na sumiklab ang sunog sa pamilihan ng Baguio City kamakalawa ng gabi.
Sa report, ang malaking bahagi ng Baguio City Public Market ang naapektuhan sa sunog na nagsimula dakong alas-11 ng gabi at mabilis na kumalat sa magkakatabing stalls nito hanggang alas-2 ng madaling araw kahapon.
Kabilang sa nilamon ng apoy ay ang buong Block 4 at kalahati ng Block 3 at ang tinawag nilang caldero section.
Nabatid kay Baguio City Fire Marshal Supt. Marisol Odiver na natunton nila ang pinagmulan ng sunog sa Block 4 extension area, partikular sa “ukay-ukay” section na kalapit ng chicken livestock area sa market.
Patuloy pang inaalam ng mga arson experts ang sanhi ng sunog, na ayon sa mga awtoridad ay puminsala ng humigit kumulang sa P24 milyong private at public property.
Sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na kanilang tinitingnan na nasa 1,700 sa kabuuang 3,900 stalls sa nasabing pamilihan ang “totally damaged”.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa mga kagamitan na madaling magliyab sa lugar at ang mga fire trucks ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Baguio ay kailangan ding bumiyahe ng mahigit dalawang oras patungo sa sunog dahil ang lokasyon nila ay nasa BFP sub fire station Barangay Irisan.
Rumesponde rin sa sunog ang mga bumbero mula sa ibang mga bayan ng La Trinidad at Tuba, Benguet.
Opisyal na idineklara ng BFP na fire out dakong alas-4:30 ng madaling araw kahapon.
- Latest