MANILA, Philippines — Nasa 10,000 na residente ng Laguna ang lumahok sa tuluy-tuloy na pag-arangkada ng “Buhay Ingatan, Droga Ayawan (BIDA) Bayanihan ng Mamamayan” Fun Run ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ginanap kahapon ng madaling-araw sa Greenfield City, Brgy. Don Jose, Santa Rosa City, Laguna.
Nabatid na ito na ang ikatlong yugto ng BIDA Fun Run na naglalayong hikayatin ang mga mamamayan na maging physically fit o paunlarin ang health and wellness ng mga tatakbo ngunit higit sa lahat ay paigtingin ang awareness ng publiko laban sa iligal na droga.
Mismong si DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. naman ang nanguna sa aktibidad at tumakbo ng may limang kilometro.
Ayon kay Abalos, ang pagsasagawa ng fun run ay bahagi ng “grassroots approach” para himukin ang mga mamamayan na maging aktibong katuwang ng pamahalaan para wakasan ang suliranin ng droga na nakakaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na sa mga kabataan.
“Bakit natin ginagawa ito? Sa mga nakakulong ngayon, 70 percent ang drug-related. Pito sa bawat 10 ang may kinalaman sa droga. Ang pinakamasaklap pa, sa mga nagsilbi ng kanilang sentensiya at nakalaya na, 30 percent, o tatlo sa kada sampu, ang bumabalik sa kulungan. Ganoon kalala ang drug problem,” anang kalihim.
Binanggit din ni Abalos na isa sa nag-udyok sa pamahalaan para ilunsad ang BIDA Program ay ang nakaraang pagkahuli sa mga iilang matataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagkakasangkot nila sa mga operasyong may kaugnayan sa iligal na droga.
Kasama rin ni Abalos na nanguna sa aktibidad sa Laguna ay sina Sta. Rosa Mayor Arlene B. Arcillas at Vice Mayor Arnold Arcillas, na nagsabing napakahalaga ng adbokasiya ng BIDA para sa mga taga-Santa Rosa at ibinida rin na ang lungsod ang unang nagtayo ng drug rehabilitation center-ang Balay Silangan at Dangal ng Pagbabago.