MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Inanunsyo ni Department of Health Undersecretary Enrique Tayag kamakailan na gagawin nila ang suhestiyon ni Bulacan Governor Daniel Fernando na hingin ang tulong ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan upang tumaas ang saklaw ng Fully Immunized Children (FIC) sa bansa.
Sa katatapos lamang na Measles Rubella- Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) LCEs Symposium, ipinahayag ni Fernando ang kanyang pagnanais na isangkot ang mga SK bilang tagapagtaguyod ng pagbabakuna sa pagpapalakas ng komunidad na mapagtagumpayan ang pag-aalangan sa bakuna at pagbuo ng kumpiyansa sa bakuna.
“Turuan po natin ang ating mga SK. Bigyan po natin sila ng trabaho at papel para makamit ang ating target na 95% or more,” mungkahi ng gobernador.
Ayon sa datos mula sa Provincial Health Office-Public Health, sa nakalipas na limang taon, ang Bulacan ay hindi umaabot sa 95% FIC National Coverage, kung saan 70.43% lamang noong 2018, 73.2% noong 2019, 70.15% noong 2020, 59.38% noong 2021, at 76% noong 2022, kaya naman puspusan ang kampanya ni Fernando sa pagbabakuna.
Sinabi rin ng gobernador na magdadala na ngayon ng mga bakuna ang Damayan sa barangay medical mission upang matapos ang bawat oryentasyon, at maaari nang magpabakuna ang mga Bulakenyo.