CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte, Philippines — Tuluyan ng tinalikuran ng apat na kasapi ng ekstremistang grupo ang armadong pakikibaka matapos na sumuko ang mga ito sa punong himpilan ng 7th Infantry (Tapat) Battalion sa Brgy Kapaya, Bagumbayan, Sultan Kudarat, ika-8 ng Marso, 2023.
Ayon kay Lt. Col. Frederick Chicote, ang Commanding Officer ng 7IB sumuko ang dating mga rebelde dahil sa pinalakas na kampanya ng militar kontra terorismo. “Dalawa sa mga sumuko ay residente ng Datu Odin Sinsuat at ang dalawa pa ay nakatira naman sa Gen. Salipada K. Pendatun lahat sa lalawigan ng Maguindanao del Sur,” giit ni Lt. Col. Chicote.
Isinuko rin ng apat ang bitbit nilang kagamitang pang giyera kagaya ng isang M14 rifle, isang garand rifle, isang M79 homemade grenade launcher, dalawang RPG launcher, anim na anti-personnel RPG ammo, isang IED, dalawang UXOs (81mm HE at 60MM HE), limang hand grenade, tatlong rifle grenades, at isang Ctg. 40mm HE.
Agad namang iprinisinta ang mga nagbalik-loob kay Brigadier General Michael Santos, commander ng 603rd Persuader Brigade sa isinagawang simpleng seremonya sa tahanan ng Tapat Battalion.
Sinaksihan at nagpaabot ng tulong pinansiyal at food packs sina Datu Yahiya Sinenggayan, focal person Sultan Kudarat PTF-ELCAC at ang mga kawani ng DSWD 12 na pinamunuan ni Ryan Balanza, division chief, Protective Services ng DSWD 12.
Pinuri naman ni Major General Alex S. Rillera, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang desisyon ng apat na sumuko hinggil sa pagbibigay puwang na manaig ang kapayapaan.
Sa ngayon, nasa 43 violent extremists na ang sumuko sa ilalim ng JTF Central mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.