3 suspek sa Adiong ambush, natimbog

Kinilala ang mga nadakip na sina Palawan Salem Macalbo, 34; Nagac Dimatangkil Baratomo, 38; at Amirodin Diman­tingkil Mandoc, 29.
File

MANILA, Philippines — Tatlong suspek sa pag-ambush kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. noong nakaraang buwan ang naaresto ng mga awtoridad.

Kinilala ang mga nadakip na sina Palawan Salem Macalbo, 34; Nagac Dimatangkil Baratomo, 38; at Amirodin Diman­tingkil Mandoc, 29.

Si Macalbo ay inaresto sa bisa ng arrest warrant dahil sa kaso ng pamamaslang noong 2019 habang si Baratomo at Mandoc naman ay inaresto sa paglabag sa firearms law.

Ayon kay Police Major Joann Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office 10, naaresto ang tatlong suspek sa bisa ng arrest warrant para sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms, at sa ginawang pananambang kay Governor Adiong.

Nakuha sa mga suspek ang isang Colt M16 rifle, grenade, Colt M16 magazine na kargado ng walong bala at rifle grenade.

Matatandaan na noong Pebrero 17, tinambangan ang convoy ni Adiong sa Kalilangan, Bukidnon na malubhang ikinasugat nito at ikinasawi ng tatlong police escort na sina PStaff Sergeant Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; at Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40; at ang drayber pa na si Kobi.

Sugatan naman ang dalawa pa sa mga staff ni Adiong sa insidente.

Ilang araw makalipas ang insidente ay napatay sa operasyon ang isa sa mga suspek sa ambush na nakilala sa alyas Otin.

Show comments