3 tserman sa Negros, kinasuhan sa illegal STL
BACOLOD CITY, Philippines — Tatlong barangay captain sa Negros Occidental ang sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sa piskalya matapos umanong magsilbing mga financier at protector ng illegal na operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa kanilang lugar.
Ang mga kinasuhan dahil sa paglabag sa RA 9287 o illegal gambling, sa City Prosecutor’s Office ng Kabankalan City ay kinilalang sina Noli Villarosa, chairman ng Brgy. Tangub, Bacolod City; Joel Alibango at Franz Leonard Seguero; chairman ng Brgy. 5 at Brgy. 6 sa Kabankalan City.
Base umano sa mga testimonya ng mga na arestong bet solicitors, sinabi kahapon ni NBI Bacolod chief Atty. Renoir Baldovino na si Villarosa, ay nagsilbing financier ng illegal STL operations sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Gayunman, mariing pinabulaanan ni Villarosa ang akusasyon laban sa kanya at tahasang sinabing wala siyang kapasidad na maging financier. Aniya, handa siyang mag-resign sa puwesto kapag napatunayan na sangkot siya sa illegal STL.
Nitong Pebrero Feb. 8, 2023, sinabi ni Baldovino na nagpatawag umano ng pulong si Seguero sa mga hindi awtorisadong STL bet collectors sa Barangay 6 covered court sa Kabankalan City, na dinaluhan din umano ni Alibango at isang Ma’am, na nagsisilbi umanong manager ng illegal STL.
Naipaliwanag umano sa meeting ng illegal STL operations manager na lahat ng bet solicitors ay makatatanggap ng 15 percent share, mula sa mga taya na makokolekta sa mga bettors, na pinangakuan din umano na ipapamiyembro sa Social Security System at PhilHealth.
Ang illegal STL manager, na hindi pa tinutukoy ng NBI ang pagkakakilanlan ay nagsabi rin umano sa mga bet solicitors, na kapag sila ay nahuli, sasabihin lang nila na ang kanilang financier ay si Noli Villarosa.
Base sa imbestigasyon ng NBI, sinabi pa ni Baldovino na si Villarosa, ay nakipagpulong din sa mga barangay captains ng Kabankalan City, noong Enero, 2023, at kinukumbinsi ang mga ito na “okay” lang na mag-operate ang operasyon ng STL sa Kabankalan City kung saan ang “authority to operate” na inisyu ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) sa Super Lucky Beagler Inc, ay mapapaso ng Pebrero sa susunod pang taon.
Pinapangakuan din umano ni Villarosa ang mga kapitan na makatatanggap sila ng shares o bahaging kita mula sa STL operations, na gagawin sa kada barangay ng Kabankalan City.
Sa kabila nito, bagama’t inamin ni Villarosa na may naganap na pagpupulong sa mga tserman, giniit nito na ang pinag-usapan nila ay tungkol lamang sa pulitika kaugnay sa binubuong partylist group.
Gayunman, sinabi ni NBI official na ilang barangay captains na dumalo sa naturang pulong ay handang magbigay ng kanilang pahayag na magdidiin sa kaso laban sa nasabing mga respondents.
- Latest