MANILA, Philippines — Patay ang tatlong miyembro ng teroristang grupo makaraang makaengkuwentro ng tropa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion sa Sitio Isuko, Banali, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, ayon sa militar kahapon.
Ayon kay Lieutenant Colonel Frederick Chicote, commanding officer ng 7IB, agad rumesponde ang kanyang mga tauhan matapos madiskubre ang presensya ng armadong pangkat sa nasabing lugar.
“Eusevio Cranzo Tabunaway alias Ben or Brix, a member of Regional Tax Implementing Group (RTIG) of the weakened terrorist group was conducting foraging activities thereat,” pahayag ni Lt. Col. Chicote.
Mabilis na tinungo ng mga operating troops ng 7IB ang lugar, nitong Marso 2 ng tanghali hanggang sa makasagupa ang teroristang grupo na tumagal ang bakbakan ng may 10 minuto.
Tatlong miyembro ng teroristang grupo ang nakitang nakabulagta matapos ang nasabing engkuwentro.
Narekober ng mga sundalo sa lugar ang tatlong M16 rifle, isang M653 rifle, 13 long magazine, 330 rounds ng 5.56mm ammo, dalawang granada, limang bandolyer, apat na backpack, at mga subersibong dokumento, mga personal na kagamitan, pagkain, IDs, at iba pa.
Kaugnay nito, agad namang inatasan ni Brigadier General Michael Santos, commander ng 603rd Brigade, ang lahat ng mga yunit nito na maging alerto at tugisin ang ilan pang natitirang rebeldeng grupo.
Pinuri ni Major General Alex S. Rillera, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang 7IB sa kanilang determinasyon at kagitingan na protektahan ang mga mamamayan laban sa mga komunistang grupo.