CAVITE, Philippines — Patay ang isang obrero matapos makuryente habang namimingwit ng isda na kanilang pang-ulam sa ilog sa Barangay Tanauan, bayan ng Tanza sa lalawigang ito, kahapon ng umaga.
Hindi na naisalba pa sa pagamutan ang biktimang si Ferdinand Tumibay, 34 anyos, stay-in worker sa Las Brezzas Subdivision sa Barangay Tanauan, Tanza.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-11:30 ng tanghali nang maganap ang insidente.
Nauna rito, nagpasyang mamingwit ang biktima kasama ang dalawa pang katrabaho para mayroon silang pang-ulam sa tanghalian.
Sa kasamaang palad, gamit ang de-kuryenteng pamingwit, nag-tap o kinonekta nila ito sa kanilang barracks. Hindi umano namalayan na nakalusong pala ang isang paa ng biktima sa ilog dahilan upang bigla siyang mangisay imbes na isda.
Hindi agad natanggal ang pagkakahawak ng biktima sa pamingwit hanggang sa tuluyang dumaloy sa katawan nito ang malakas boltahe ng kuryente na kanyang ikinakisay.