SARIAYA, Quezon , Philippines — Agaw-buhay sa ospital ang isang obrero matapos barilin ng security guard dahil sa pinag-aagawang parte ng lupain sa Sitio Silangan, Brgy. Guisguis Talon ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala ng caliber 9mm sa mukha at naka-confine sa Quezon Medical Center ay kinilalang si Ruel Apostol, 39, binata at residente ng nasabing lugar. Samantalang naaresto naman ang suspek na si Marlo Africano, 22-anyos ng Catanauan, Quezon.
Ayon kay PLt. Col. Dandy Aguilar, chief of police sa bayang ito, bandang alas-4:15 ng hapon habang nagsasagawa ng roving patrol ang nasabing guwardya at isa pa sa lupaing nasa ilalim ng usapin sa kwestyonableng nag mamay-ari nito nang makita nila ang caretaker na may alyas na “Joey” na kumukuha ng video sa pamamagitan ng cellphone.
Bunsod nito, nagkaroon ng mainitang komprontasyon sa pagitan ng mga guwardya at ng grupo ng nasabing caretaker kabilang ang biktima hanggang sa magkasakitan ng pisikal.
Sa gitna ng komosyon, binunot ng suspek ang kanyang service firearm at binaril ang biktima na mabilis namang isinugod ng mga kasamahan sa naturang ospital.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na nakapiit sa Sariaya Municipal jail.