MANILA, Philippines — Maagap na nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 14 na tripulante kabilang ang kapitan ng isang cargo vessel na sumadsad sa katubigan ng Lubang sa Occidental Mindoro nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat, umalis sa Subic, Zambales at patungo ng Bauan, Batangas ang MV Manfel V nang magkasira ang makina dakong alas-9 ng Linggo ng umaga sa may bisinidad ng Fortune Island.
Nagpalutang-lutang ang barko sa may karagatan ng Lubang hanggang sa sumadsad may 110 metro ang layo sa dalampasigan ng Barangay Maligaya.
Dito rumesponde ang PCG Station Occidental Mindoro sa distress signal at nailigtas ang mga tripulante kabilang ang kapitan ng barko na si Captain Radie Brillante.
Isang general cargo ang MV Manfel na may timbang na 498.72 toneldada at ino-operate ng Manfel Cargo Shipping na nakabase sa Taguig City.
Patuloy naman ang pagsubaybay ng PCG sa barko at sa bisinidad na katubigan para sa anumang senyales ng oil spill at iba pang posibleng pagkasira ng maritime environment dahil sa pagsadsad.
Samantala, nagpakalat ang PCG ng search and rescue operations (SAR) teams kabilang ang “air at floating assets” upang hanapin ang nawawalang Taiwanese fishing vesssel na Sheng Feng No 128 na may sakay na anim na tripulante. Huling nakita ang bangka may 414 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Palau noong Pebrero 17 pa.
Nakatanggap ang PCG ng request mula kay Taiwan Coast Guard Attaché, Commander Arthur Yang, dahilan para pakilusin ang Coast Guard Districts sa Eastern Visayas, Bicol, Southeastern Mindanao, Northeastern Mindanao, at Northeastern Luzon para magkasa ng SAR operations.