CAVITE — Kritikal at nakatakdang operahan sa ulo ang isang traffic enforcer makaraang pagbabarilin ng tatlong lalaki habang naglalakad papasok sa trabaho kahapon ng madaling araw sa Brgy.Zapote 4, Bacoor City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Airon Pineda Galicia, 31-anyos, BTMO traffic enforcer ng Bacoor at residente sa naturang lungsod.
Sa nakalap na ulat sa pulisya, alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente habang naglalakad ang biktima papunta sa kaniyang duty post sa Tramo St. Brgy. Zapote 4 matapos dikitan ng mga suspek na nakamotorsiklo at sunud-sunod na pinagbabaril sa ulo.
Nang bumulagta ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspek.
Agad namang naitakbo sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center ang biktima at hanggang sa sinusulat ang ulat na ito ay kritikal ang kondisyon nito sanhi ng mga tama ng bala sa ulo.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril sa naturang enforcer.