MANILA, Philippines — Patay sa engkuwentro ang isang lalaki na pinaniniwalaang kabilang sa mga suspek sa pananambang sa convoy ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr. nitong Pebrero 17.
Ayon kay Police Regional Office - Bangsamoro Autonomous Region chief Police Brigadier General John Guyguyon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na matapos ang pananambang, agad na nagsagawa ng hot pursuit ang Maguing Municipal Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company ng Lanao Del Sur Police Provincial Office, at Provincial Intelligence Unit laban sa mga suspek.
Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng isa sa mga suspek na nakilalang si “Otin” na napatay sa shootout.
Si “Otin” ayon sa PNP ay anak ng isang alyas “Fighter” na kasama rin sa mga suspek sa pananambang na ikinasugat ni Adiong at staff nito na si Ali Macapado Tabao at ikinamatay ng police escorts na sina PStaff Sergeant Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40, at driver na nakilala sa pangalang Kobi.
Nakuha sa suspek ang Colt MK IV caliber 45 pistol na may serial number 79234 at anim na live ammunitions.
Ang kampanya laban sa illegal na droga ang isa sa mga sinasabing motibo ng pananambang kay Adiong.