Shellfish sa 9 na lugar, may ‘red tide’ – BFAR
MANILA, Philippines — Bawal munang kunin at kainin ang mga shellfish products tulad ng tahong, talaba at halaan sa 9 na baybayin sa bansa.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ipinagbabawal ang pagkain ng mga nabanggit na shellfish dahil positibo ang mga ito sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide na matatagpuan sa mga baybaying dagat ng Milagros sa Masbate; sa Panay, President Roxas at Pilar sa Capiz; Dauis at Tagbilaran City sa Bohol; San Pedro Bay sa Samar; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Ayon sa BFAR, bukod sa naturang mga shellfish products ay bawal ding kainin ang alamang na makukuha sa nabanggit na mga lugar.
Sa kabila nito, sinabi ng BFAR na maaari namang kainin ang isda, pusit, hipon at alimango basta’t kinakailangan na hugasan at lutuing mabuti ang mga ito. Kinakailangan ding tanggalin ang hasang at kaliskis ng isda bago umano lutuin.
Samantala, ligtas naman na ngayon sa red tide ang Cancabato Bay sa Tacloban City sa Leyte.
- Latest